Ipaglaban ang P16,000 kada buwan na ‘National Minimum Wage’

Note: I wrote this for the Philippine Online Chronicles.

Ang kakarampot na P15 taas-sahod sa Metro Manila nitong nakaraang linggo ay isa na namang patunay sa kawastuhan ng kampanya para sa isang “National Minimum Wage” o Pambansang Minimum na Sahod na may halagang P16,000 kada buwan.

Hindi tinutugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino ng umentong ito na ipinasa ng regional wage board ng National Capital Region (NCR) sa kabila ng tumataas na presyo ng batayang mga bilihin, bayarin sa kuryente at tubig, at matrikula sa pag-aaral.

Iginigiit ng All Workers Unity, isang alyansa ng mga unyon, asosasyon, pederasyon, at mga indibidwal na manggagawa kapwa sa pribado at publikong sektor, ang kampanyang ito sa layong palakasin ang kampanya upang isulong ang makatarungang sahod para sa mga manggagawa.

Layunin ng kampanyang ito na pagtagumpayan ang kasalukuyang kalagayang walang pambansang minimum na sahod sa Pilipinas.

Magkaiba bawat rehiyon

Sa bisa ng Wage Rationalization Law na pinatupad noong 1989, ginawang kada rehiyon ang pagtakda ng sahod sa pribadong sektor. Dahil mas mababa diumano ang “cost of living” sa labas ng Metro Manila, itinayo ang mga Regional Wage Boards para magtakda ng sahod kada rehiyon.

Magkaiba-iba tuloy ang minimum na sahod sa ng bawat rehiyon. Ito ang halaga ng minimum na sahod noong Oktubre 2014, ayon sa National Wages and Productivity Commission:

NCR    P429.00-P466.00

CAR    P247.00-P280.00

I           P213.00-P253.00

II          P219.00-P255.00

III        P215.00-P336.00

IV-A    P219.00-P362.50

IV-B    P205.00-P275.00

V         P236.00-P260.00

VI        P245.00-P287.00

VII       P275.00-P340.00

VIII      P220.50-P262.00

IX        P235.00-P280.00

X         P279.00-P306.00

XI        P286.00-P317.00

XII       P255.00-P275.00

XIII      P238.00-P268.00

ARMM            P250

Magkaiba sa pribado at publiko

Hindi rin magkakapareho ang mga minimum na sahod ng mga manggagawa at kawani sa pribado at pampublikong sektor. Kung P466 kada araw ang minimum sa pribadong sektor, P9,000 kada buwan naman sa publikong sektor.

Sinasaklaw sa Salary Standardization Law 1 (SSL 1) na ipinasa din noong 1989 ang sahod ng pampublikong sektor.

Ang itinakdang Salary Grade 1 ng SSL 1 sa mga Local Government Units sa mga probinsya ay 65 porsyento lamang kung ikumpara sa nasa Metro Manila . Mula sa SSL 1 hanggang sa SSL 3 ay dumami pa ang tinuturing na minimum na sahod sa pampublikong sektor.

Ayon mismo sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa kasalukuyan ay may mahigit 1,000 antas ng pasahod o wage levels sa buong bansa.

Two-Tiered Wage System

Ang Two-Tiered Wage System na ipinatupad ng gobyerno simula noong 2012 ay isa ring atake sa lehitimong panawagan ng manggagawa para sa makatarungang sahod.

Sa ilalim ng Two-Tiered Wage System, pinalitan ang minimum na sahod ng floor wage na nakabatay sa napakababang “poverty threshold” na itinatakda rin ng gobyerno.

Sa ganitong sistema, ang umentong matatanggap ng mga manggagawa ay ibabatay naman sa performance ng bawat manggagawa na itatakda rin sa antas ng bawat empresa sa pangunguna ng kapitalista.

Ang manggagawa, na siyang lumilikha ng yaman sa ating lipunan ay tumatanggap kulang na kulang ang kanilang sahod para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Makatarungang sahod ipaglaban

Ayon sa Ibon Foundation, napakalayo ng minimum na sahod sa iba’t ibang rehiyon sa P1,088 na Family Living Wage o FLW na sumusukat sa halagang kailangan ng isang karaniwang pamilyang binubuo ng 5 miyembro para matustusan ang mga pangangailangan para mabuhay nang disente sa isang araw.

Kabilang sa kinukwenta ng FLW ang pinakabatayang gastos sa pagkain, renta sa bahay, kuryente, tubig, LPG, transportasyon, komunikasyon at savings. Hindi na kasali dito ang gastusin para sa edukasyon at kalusugan, lalo na ang pagpapospital.

Mas masahol pa, tinataya ng Oktubre 2011 Labor Force Survey ng National Statistics Office na 46 porsyento ng mga manggagawa o 9.8 milyong manggagawa ang tumatanggap ng mas mababa pa sa minimum na sahod.

Ang kawalan ng pambansang minimum na sahod ay mayor na armas ng mga kapitalista upang baratin ang sahod ng mga manggagawa. Ginamit din ito upang mapigilan ang pagsulong ng laban para sa dagdag na sahod na nangangailangan ng mahigpit na pagkakaisa ng manggagawa sa buong bansa.

Tanging sa paglaban sa mga iskemang neoliberal na pinapatupad ng gobyerno at nagpapatindi sa sistema ng murang paggawa mapasiguro ang pagbigay ng ginhawa sa mga manggagawa mula sa matinding kahirapan at kagutuman. Ipaglaban ang P16,000 kada buwang pambansang minimum na sahod!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s