Kasabay ngayong linggo ng paggunita sa ika-49 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos ang pagbubukas ng bagong semestre sa Unibersidad. Habang sinasalubong natin ang pagbabalik ng klase, naninindigan ang Unibersidad ng Pilipinas Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (UP DFPP) laban sa panunumbalik sa poder ng mga Marcos at sa sistematikong pambabaluktot, pagrerebisa at pagmamanipula ng impormasyon at kasaysayan para burahin ang mga malagim na pangyayari sa panahon ng Batas Militar. Mariin din naming kinokondena ang pagbabalik ng walang tigil na pag-atake sa karapatang pantao at katarungan na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon, na pangunahing tatak ng bumagsak na dikatadura.
Upang bigyang-lugod ang kasakiman, tiniyak ni Marcos ang walang taning na paghaharing hindi rin nahahanggahan ng mga batas. Namuno ang diktador sa militarisadong paraan at nagresulta ito sa malawakang pagyurak ng mga karapatan. Umabot sa 3,257 ang pinaslang, 35,000 ang tinortyur, at 70,000 ang binilanggo sa utos ni Marcos ayon sa Amnesty International. Ang 20-taong paghahari ng Batas Militar ay suportado ng Estados Unidos sa pamamagitan ng ayudang militar at tulong pang-ekonomiya, pagpapayo sa counter-insurgency at diplomatikong relasyon, at pagtangkilik kay Marcos sa mahabang panahon ng madugong paghahari.
Hindi biro ang naging danas ng bansa sa dalawang dekada ng paghahari ni Marcos. Bilyon-bilyon ang ninakaw ng mga Marcos at nagkabaun-baon sa utang ang bansa na humantong sa pagkawasak ng ekonomiya. Umabot sa $10B ang napaulat na nakaw na yaman ng pamilya Marcos, samantalang umabot sa $26B ang utang ng bansa. Naging kasangkapan ang mga pautang para maimaneho ng IMF-WB at mga multilateral financial institution ang ekonomiya na kumitil sa industriyalisasyon ng bansa, at naglagay sa katangiang atrasado at agraryo, export-oriented at import-dependent. Katumbas ito ng walang katulad na kawalan ng hanapbuhay at kahirapan para sa mamamayan.
Isinasagawa ng pamilya Marcos ang sistematikong kampanya ng disimpormasyon upang tabunan ang kanilang mga krimen sa taumbayan. Walang pag-amin hanggang ngayon ang mga nakaw na yaman at malawakang paglabag sa karapatang pantao. Sa halip, ipinalulutang pa ang pinakamalalang rebisyonismong pangkasaysayan tulad ng pagiging “Gintong Panahon” ng ekonomya, ang Batas Militar; pinakamagaling na presidente si Marcos, nangungunang bayani ng bansa, at responsable sa “pagkabuo at pagdakila ng modernong republika.” Dapat daw mag-move on na at kalimutan na ang nakaraan habang pinalalabas na naninira lamang ang mga kritiko ng Batas Militar. Pinakahuling insidente itong pagbibigay ng plataporma ng TV host na si Toni Gonzaga kay Bongbong Marcos para magpabango at makapanlinlang, na itinaon pa sa mismong kaarawan ng anak nitong yumaong diktador at ilang araw bago ang anibersaryo ng Batas Militar.
May dobleng halaga ang paggunita sa Batas Militar ngayon dahil sa pagkakapareho ng kalagayan ng lantarang terorismo ng estado at panlilinlang. Sa katunayan, nalampasan na ng gobyernong Duterte ang rekord ng extra-judicial killings ni Marcos. Maging sa gitna ng pandemya, nagawa pa ng kasalukuyang administrasyon na maipanguna pa rin ang programang kontra-insurhensya at pagtugis sa mga kritiko nito. Habang libu-libong Pilipino ang nalugmok sa sakit at krisis, nagawa pa ng rehimen ang pagsasabatas ng tiranikong Anti-Terror Law at pagtanggal ng prangkisa sa ABS-CBN.
Tuloy-tuloy din ang mga banta sa pang-akademikong kalayaan sa pamamagitan ng red-tagging at panliligalig sa mga guro, estudyante, at iba pang nasasakupan ng Unibersidad na tumitindig laban sa katiwalian at pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Siyam na buwan na ang lumipas mula nang makaisang panig na ibinasura ng Department of National Defense ang UP-DND Accord na nagbabawal sa pagpasok ng militar at pulis sa mga kampus ng UP nang walang pahintulot ng administrasyon ng Unibersidad.
Sa halip na matinag, binigkis ng bantang ito ang komunidad ng UP upang labanan ang pangingialam ng militar sa mga usaping akademiko. Nagbunga ang pagkakaisang ito sa pagsulong ng mga panukalang batas tulad ng House Bill 8544 na inihain ng ACT Teachers Partylist upang ipagtanggol ang pang-akademikong kalayaan sa lahat ng paaralan. Umabot naman sa ikalawang pagbasa sa Kongreso ang House Bill 10171 na nagtutulak ng institusyonalisasyon ng UP-DND Accord sa mismong Saligang Batas ng UP.
Bilang isang akademikong institusyon nakaugat sa daluyong ng kilusang makabayan, makamasa, at progresibo noong Dekada Sesenta, ipinagpatuloy ng UP DFPP ang halimbawa ng mga kasamang guro tulad nina Monico Atienza, Leoncio Co, at Gelacio Guillermo na nagsilbing mga muog ng makabayang gawaing pangkultura at makatotohanang iskolarsyip sa gitna ng kanilang pakikisangkot sa kilusang anti-diktadura.
Hinihikayat ng UP DFPP ang mga mag-aaral nito, ang akademikong komunidad, at publiko na laging manindigan para sa katotohanan at maging matatag na tagapagtaguyod ng kritikal at mapanlikhang iskolarsyip. Isa sa mga kontribusyon ng UP DFPP sa pagbaka sa maka-Marcos na rebisyunismong istorikal ang pagtuturo ng Philippine Studies 21, ang GE sabjek hinggil sa wika, panitikan, at kultura sa ilalim ng Batas Militar. Itinuturo na ito ngayon hindi lamang sa UP Diliman kundi pati na rin sa UP Cebu at UP Los Baños.
Kaisa ang UP DFPP sa iba pang sektor ng lipunan na tumitindig ngayong araw para sa tunay na demokrasya at katarungang panlipunan. Naninindigan kaming hindi na dapat maulit ang pamumunong kamay-na-bakal sa Pilipinas. Naninindigan kaming hindi na dapat magpatuloy ang mga atake sa kalayaang pang-akademiko, kritikal na pag-iisip, at karapatang pantao. Tama na, sobra na, wakasan na! #NeverForget#NeverAgain