Tumitindig ang UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (UP DFPP) laban sa pagpasa ng Anti-Terrorism Act of 2020. Ang pagsasabatas nito ay mangangahulugan ng patuloy na pagpapatahimik sa kritikal at malikhaing pag-iisip ng ating mga mamamayan. Higit pang bibigyang-katwiran nito ang patuloy na pandarahas at red-tagging sa mga nagsusulong ng katarungan at karapatang pantao sa bansa, pagpapatahimik na malaon nang ginagawa ng estado sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan.
Laging isinusulong at itinuturo ng UP DFPP sa mga mag-aaral nito ang paghubog ng malikhain at kritikal na pagpapahayag hindi lamang bilang mga batayang kaalaman, kundi bilang mahahalagang katangian ng pagiging isang mamamayang Pilipino. Ang mga pag-aaral sa pagsulat ng mga malikhaing akda, wika, at panitikang itinuturo ng DFPP ay hindi nalalayo sa mismong pag-aaral ng lipunan. Nawawalan ng silbi ang kamalayang nakasandig sa katotohanan kung ito ay pinipigilan at binubusalan. Hindi malayong maging biktima ng batas na ito ang mga guro at mag-aaral na nagpapahayag ng kanilang pagkabahala at pagkadismaya sa kasalukuyang pamamalakad ng pamahalaan, lalo sa konteksto ng pandemikong COVID-19. Gayundin, tiyak na nanganganib ang akademikong kalayaan ng Unibersidad dahil sa posibilidad ng pagbabawal o pagtuturing na gawaing ilegal ang pagtuturo ng mga akdang makabayan, kasama ng iba pang usaping ideolohikal at politikal.
Mula sa pinakakomplikadong mga konsepto ng “bayan,” “ideolohiya,” at “politika” hanggang sa pinakasimple at batayang yunit na mga salita, itinuturo sa DFPP ang patuloy na pagsusuri sa ugnayan ng wika at bayan. Sa bawat munting palit ng diin, sa bawat pagdagdag at pagbura ng pinakamaikling taludtod o pangungusap, lahat ay may implikasyon sa kung paano uunawain at tatanggapin ang ating mundo. Sa isang iglap, ang “sakít” na karamdaman ay nagiging “sákit” na matinding pasánin; ang paghahanap ng “malasákit” o pag-aalala mula sa ating pamunuan ngayong panahon ng pandemiko ay tumutungo sa mga salaysay na “malasakít” na nakagugupo. Itinatanghal ng ating pagkagagap sa wika at panitikan na ang pinakamunting sakít ng katawan ay sintomas ng mas malaking karamdaman ng ating lipunan.
Habang tumutulong ang mga guro at mag-aaral ng DFPP na magpaliwanag at magsalin ng iba’t ibang materyales kaugnay sa sakít na COVID-19, namumulat at iminumulat din ang lahat sa mga anomalya sa kawalan ng pagkakapantay-pantay sa usapin ng pagpapangalan at kapangyarihan. Nag-iiba ang pagbibilang at pag-unawa sa mga biktima ng pandemiko sa bawat pagpapalit ng klasipikasyon—mula “PUI” at “PUM” na naging “Late” at “Fresh” cases, na may magkakaibang konteksto at implikasyon. Inilalantad ng manipulasyon ng estadistika ang kawalang-paggalang sa siyentipiko at makatotohanang datos, at ang kawalan ng makabuluhang programa sa paglutas ng pandemiko. Ang mga paglabag sa mga protocol ng ECQ, MECQ, GCQ, at iba pang anyo ng lockdown ay nag-iiba ng bigat batay sa katayuan ng tao sa lipunan. Ang parusa sa “mass gatherings” at iba pang itinatrato bilang bawal ay nagiging katanggap-tanggap basta papalitan lang ang bansag sa pagdiriwang mula “birthday” patungong “mañanita.” Patunay ito na ang sinasabing “the law is law” ay mapanlinlang sapagkat madaling nababali ng mga nasa kapangyarihan ang batas.
Ang pagpapakahulugan ng “terorista” ay usapin ng kapangyarihang lampas sa simpleng usapin ng tama o mali ang “naaayon sa batas.” Sino nga ba ang nagbibigay-kahulugan at kaninong interes ito naglilingkod? Ano ang proteksyon ng mamamayan sa terorismo ng estado? Paano kung ang gumagawa ng batas ang siya nang nandarahas? Paano kung ang mga pagkilos na naaayon sa sibil at politikal na mga karapatan, ang kolektibong pag-oorganisa at paglaban para sa mga lehitimong hinaing ng mga magsasaka, manggagawa, at iba pang aping sektor, ang siyang pinupuntirya ng “terorismo”? Paano kung ang pagtatanong at kritikal na pagsusuri ay itinuturing bilang isa nang krimen?
Ngayon, sa nakaambang pagpasa ng batas na tutuligsa at pupuntirya sa mga mababansagang “terorista,” nailalagay ang ating bansa sa sitwasyong magbubukas ng karagdagang agam-agam, pasakit, at kapahamakan sa taumbayan. Hinahagilap pa rin ang mas malinaw at epektibong sistema ng contact-tracing at mass testing. Inirerehistro pa rin ang pagbibigay ng malinaw na sistema sa transportasyon at ayuda. Isinasatinig pa rin ang panawagan para sa mas makataong suporta sa mga medical personnel at ang iba nating mga kababayang frontliner. Nagpapatuloy pa ang pag-aabang sa kasiguraduhan laban sa krisis na ipinasán/ipinápasán.
Wala pang malinaw na paghilom at paggaling. Imbes na ang pandemiko ang inuuna, itinatrato bilang sakit ang mga lehitimong hinaing at protesta. Nitong Hunyo lamang, marahas na binuwag ang kilos-protesta sa UP Cebu at ibinilanggo ang “Cebu 8.” Naging target naman ng mga pekeng Facebook account at iba pang anyo ng online harassment ang mga estudyante, guro, at alumni ng unibersidad. Naabot ang rurok ng pagsikil sa malayang pamamahayag nang ipinasara ang ABS-CBN habang tuloy-tuloy pa rin ang red-tagging, pag-aresto, pamamaslang, at iba pang pag-abuso ng kapangyarihan sa gitna ng militaristikong lockdown. Inaasahang lalo pang dadami at titindi ang ganitong mga pangyayari dahil sa mga ibinubukas na probisyon ng panukalang batas tungkol sa surveillance, panghuhuli, at pagproseso ng mga kasong ipapasok sa kategorya ng “terorismo.” Ito ay mga sintomas ng mas malalim na karamdaman. Ito ang mga bakas ng unti-unting pagpatay sa ating kalayaan.
Nakikiisa ang DFPP sa pagtutol sa batas na naglalagay sa atin sa panganib at tiyak na kapahamakan bilang mga Pilipino. Kailangan nating magsama bilang nagkakaisang hanay at maging mapagmatyag kung saan tayo dadalhin ng batas na ito. Ang posibilidad ng pang-aabuso mula sa batas na ito ay napakalaki, at ang ambang panganib ay lalo pang mas nakasisindak. May panahon pa tayo para baguhin itong ipinapakilala nilang lihis na bersyon ng “new normal.”
Sa pagrehistro ng pagtutol sa nasabing panukalang batas, isinasalin ng aming departamento ang sentimiyento ng sambayanan—ang COVID-19, at hindi ang mamamayan ang kalaban. Ang paghahayag ng mga lehitimong reklamo ay hindi ebidensya ng terorismo. Sa ganitong naratibo lamang, sa ganitong pagtindig at paglaban sa nakaambang panganib, natin mababawi ang ating mga kuwento’t makakabuo ng naratibo ng tunay at makataong paghilom.