Magdadala ba ng kapayapaan ang BBL ni Aquino?

Naipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Ad hoc Committee ng House of Representatives sa botong 50 laban sa 17 matapos pinulong ni Pangulo Noynoy Aquino ang kanyang mga alyado sa kongreso bago ang botohan.

Ang BBL, na pangunahing kondisyon ng grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa usapang pangkapayaan nito sa gobyerno, ay tinutulak ng administrasyong Aquino na madaling maipasa sa Kongreso ang BBL bago pa matapos ang kanyang termino.

Ayon kay Aquino, ang pagpasa ng BBL ang tanging paraan upang tuluyang mahinto ang armadong paglaban ng mga Moro laban sa gobyerno at masiguro ang ganap na kapayapaan sa Isla ng Mindanao.

Pinapaasa ni Aquino ang MILF

Pinapaasa ngayon ng administrasyong Aquino ang mga rebeldeng Moro na madaling ipagkaloob ng mga institusyon ng gobyerno katulad ng Kongreso, Senado, at Hudikatura ang awtonomiya para sa Bangsamoro. Ngunit ito ay maaaring ituring na paghahambog lamang ng administrasyong Aquino.

Sa katunayan, kahit na mapasa ang BBL sa Kongreso ay malamang na hahamunin pa rin ang pagiging konstitusyonal nito sa Korte Suprema.

Hinahadlangan ng iilang mambabatas sa Senado, sa pangunguna ni SenadorMiriam Defensor-Santiago, ang BBL dahil sa paglabag nito sa Konstitusyon. Tinutukoy nila sa partikular ang mga probisyon hinggil sa pagtatayo ng sariling gobyerno ng Bangsamoro.

Isa pang balakid sa hinaharap ang mismong implementing rules and regulations na malamang ay susunod na administrasyon na ang gagawa.

Sosyo-ekonomikong ugat ng kahirapan

Labas sa mga usaping teknikal, marami ring mga katanungan ang iilang sektor ng lipunan kung paano matutugunan ng BBL ang mga aspirasyon ng Bangsamoro.

Ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, isang progresibong koalisyon ng mga makabayang organisasyon, lumalabas na ang BBL pa mismo ang magpapahamak sa pakikibakang sinusulong ng mamamayang Moro.

Tampok sa kritisismo ng mga progresibong pangkatin sa BBL ang pagiwas nito sa paglutas sa mga sosyo-ekonomikong ugat ng kahirapan at kawalan ng katarungan na pangunahing dahilan ng rebelyong Moro at dinekadang digmaan sa Mindanao.

Kinwestiyon ng mga naturang grupo ang hindi pagbigay ng pansin ng BBL sa pagwasak sa monopolyo sa lupang agricultural at mineral na pagmamayari ng mga dayuhan at panginoong maylupa at ang pamamahagi nang libre ng lupa sa mga magsasaka.

Hindi rin nakasaad sa BBL ang pagtatayo ng mga pambansang industriya na magbibigay ng sapat na trabaho sa mamamayang Moro. Kung sa gayon hindi nagbabigay ng sapat na atensyon ng BBL ang pag-angat sa kahirapan ng mamamayang Moro, katutubo at iba pang naninirahan sa Bangsamoro.

Ilusyon ng sariling pagpapasya

Nakakabahala rin, ayon naman sa Koalisyong Makabayan, na saklaw pa rin ng mga kontra-mamamayang programa at patakaran ng pambansang gobyerno ang lahat ng maaaring ipasa at ipatupad ng mga opisyal ng Bangsamoro sa ilalim ng BBL.

Sa madaling salita, mapapasailalim pa rin ang Bangsamoro sa mapaminsalang Mining Act of 1995, Electric Power Industry Act, Oil Deregulation Law, mga di-pantay na kasunduan ng pambansang gobyerno sa dayuhan, at iba pang mapang-aping mga batas sa pambansang saklaw.

Ilusyon lamang ng sariling pagpapasya kung gayon ang maaaring ibigay ng BBL. Walang magiging pinagkaiba ang gobyernong Bangsamoro ng BBL sa bigong pagsubok sa awtonomiya ng Autonomous Region of Muslim Mindanao o ARMM.

Bahagi sa 17 kongresista na bumoto laban sa pagpasa ng BBL sa ad hoc committee ang mga grupong partylist sa ilalim ng Makabayan (sa partikular angBayan Muna, Gabriela, Anakpawis, ACT Teachers, at Kabataan Partylist).

Pagpapasuko ng pakikibakang Moro

Lumalabas ngayon na ginagamit lamang ng administrasyong Aquino ang BBL upang mapahina at sa huli ay lubusang mapasuko ang lehitimong pakikibaka ng mamamayang Moro para sa sariling pagpapasya at laban sa pang-aapi sa ilalim ng Republika ng Pilipinas.

Hindi mababago ng BBL ang pagiging biktima ng mamamayang Moro sa sistematikong pang-aapi, pang-aabuso, at diskriminasyon. Hindi rin nito maibigay ang tunay na kapayapaan sa Bangsamoro.

Sa katunayan, nariyan ang panganib na gagamitin lamang ang BBL upang mas pabilisin ang pagpasok ng mga dayuhang kapitalista at pandarambong ng likas na kayamanan ng lupaing Moro.

Sa huli, nagiging malinaw na hindi makakamit ang mga hinahangad ng mamamayang Moro sa ilalim ng BBL ni Aquino. Kahit na mapatupad ang BBL, magpapatuloy pa rin ang armadong rebelyon ng mamamayang Moro kapag hindi naman malulutas ang laganap na kahirapan at inhustisya sa Bangsamoro.

Note: I wrote this article for thepoc.net

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s