Papel ng US sa Mamasapano, unti-unting nalalantad

Unti-unting nalalantad ang pangunahing papel ng Estados Unidos sa madugong sagupaan saMamasapano, Maguindanao na nagresulta sa pagkapatay ng 44 tropa ng Special Action Forces (SAF), 17 rebeldeng Moro, at 5 sibilyan noong Enero 25, 2015.

Sa isang mahalagang kinalabasan lumalabas sa pinakahuling ulat sa balita na ibinunyag ng prinsipal na testigo ng labanan sa Mamasapano na kasama ang dalawang sundalong Amerikano sa mga namatay sa engkwentro.

Bahagi ang testimonyang ito sa pahina 162 ng 225-pahina na ulat na inilabas ng Department of Justice sa mga mamahayag noong Abril 22. Muling ikinumpirma ng balitang ito ang direktang partisipasyon ng US sa “combat operations” sa Mamasapano.

Hindi na matakpan ng gobyernong Aquino ang papel ng US sa Mamasapano sa kabila ng pagtago ni DOJ Secretary Leila de Lima sa nasabing detalye sa imbestigasyon ng Senado at Kongreso noong mga nakaraang buwan.

Dapat pang maibunyag nang lubusan

Lumalabas na hindi lamang sa pagplano kundi mismo sa implementasyon ng Oplan Exodus, ang operasyon para patayin sina Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at Abdul Basit Usman na humantong sa madugong labanan sa Mamasapano.

Ayon kay Jose Maria Sison, Chief Political Consultant ng National Democratic Front of the Philippines, dapat pang maibunyag nang lubusan ang direktang pagbibigay kay Pangulong Aquino ng utos mula sa US sa katauhan ni US Ambassador Philip Goldberg.

Si Goldberg na siyang pinakamataas na operatiba sa Pilipinas ng gobyernong US ay ipinaratangan ni Sison na isang ahente ng Central Intelligence Agency o CIA, ang ahensyang nangangasiwa ng mga operasyong paniktik ng US sa labas ng kanilang bansa.

Maaalalang pinaalis si Goldberg sa Bolivia noong taong 2008 matapos ang panunungkulan nito sa nasabing bansa bilang ambassador dahil sa kanyang punong papel sa pagtangka ng US na pabagsakin ang kontra-imperyalistang gobyerno ni Evo Morales.

Ang Joint Special Operations Task Force-Philippines

Ani Sison, isang palatandaan sa malaking prayoridad na binibigay ng US sa Oplan Exodus ang biglaang pag-alis ng mga kontraktor ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) matapos ang kapalpakan sa Mamasapano.

Ang JSOTF-P ay isang espesyal na operasyon ng gobyernong US sa Pilipinas na nagsimula noong taong 2002 bilang bahagi ng “War on Terror.” Naiulat na aabot 600 tauhang militar ng US kaugnay sa JSOTF-P ang nakabase sa bansa.

Ayon pa sa balita, lumalabas na 17 tropang bahagi ng JSOTF-P ang namatay sa gitna ng panunungkulan ng mga ito sa Pilipinas.

Nauna nang naisiwalat ang papel ng JSOTF-P sa pagsasanay ng mga tropa ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na lumusob sa Mamasapano sa La Vista Del Mar Beach Resort, Zamboanga City.

Nariyan din ang papel ng JSOTF-P sa pagpasa ng intelligence packet kay suspended PNP Chief General Allan Purisima. Laman nito ang mga ulat hinggil sa real-time electronic surveillance at reconnaissance gamit ang mga aerial drone.

“Mahirap paniwalaan na ipinasa ng JSOTF-P ang pinakahuling intelligence packet kay suspended General Purisima na walang top-level na kasunduan sa pagitan ni Aquino at kanyang mga among Amerikano,” ani Sison.

Ang kahulugan ng pagbisita ni Negroponte

Dagdag pa ni Sison, malaki ring indikasyon ang “emergency trip” sa Maynila nina John Negroponte at John Maisto, mga beteranong ahenteng panlabas ng US, sa pagpapahalaga na ibinigay ng US sa madugong kinahinatnan ng sagupaan sa Mamasapano.

Ayon sa balita, dumalo diumano sina Negroponte at Maisto sa isang pagtitipon ng US-Philippines Society sa Maynila noong Enero 29-31, 2015. Bahagi sa itineraryo ng nauna ang pagpulong kay Pangulo Aquino.

Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, mahaba at madugo ang kriminal na rekord ni Negroponte sa pangangasiwa ng mga operasyong paniktik ng US, kabilang ang pagtayo ng mga death squad at pagsasanay sa torture sa iba’t ibang panig sa mundo magmula pa noong 1960s.

Tampok ang naging papel ni Negroponte sa Operation Phoenix sa kasagsagan ng Vietnam War na nagresulta sa pagpatay ng mahigit 40,000 pinaghihinalaang mandirigmang Viet Cong na lumaban sa mga mananalakay na tropang Amerikano.

Tampok rin ang papel ni Negroponte sa Central America kung saan pinangunahaan niya ang mga operasyong militar upang pabagsakin ang rebolusyonaryong gobyerno ng Nicaragua noong 1980s at ang pagpamuno sa gawaing paniktik ng US sa Iraq nitong dekada 2000.

Ang papel ng US

Layon ng administrasyong Aquino na ibaon sa limot ang pananagutan nito at ng US sa kapalpakan sa Mamasapano. Ngunit habang lumilipas ang oras, unti-unti at mas lalo lamang itong nalalantad sa paglabas ng mas maraming ebidensya.

Maaalalang nauna nang naibunyag ang pagbigay sa daliri ng target nilang si Marwan sa US Federal Bureau of Investigation (FBI), ang paggamit ng US drone command center sa Zamboanga, at ang presensya ng mga ahente ng US sa Cotabato command post ng SAF.

Dagdag pa rito ang kumalat na litrato ng retrieval operation ng mga sundalong Amerikano gamit ang Evergreen helicopter ng CIA.

Sa katotohanan, malinaw na malinaw na ngayon na gumanap bilang mga bayaran sina Aquino at Purisima. Isinakripisyo nila ang buhay ng mga nasawing SAF sa altar ng digmaang terorista ng imperyalismong US.

Note: I wrote this article for the Philippine Online Chronicles.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s