Hindi ipinagdiriwang ang Internasyunal na Araw sa Karapatang Pantao

Human rights advocates and activists gathered in Mendiola on International Human Rights Day to protest the growing number of human rights violations under the Noynoy Aquino administration.

Human rights advocates and activists gathered in Mendiola on International Human Rights Day to protest the growing number of human rights violations under the Noynoy Aquino administration.

I wrote this article for the Philippine Online Chronicles.

Idineklara ng United Nations ang Disyembre 10 bilang pagunita ng internasyunal na araw para sa karapatang pantao. Ngunit hindi ito ipinagdiriwang ng sambanayang Pilipino na matagal nang pinagkaitan ng mga karapatang pantao.

Karumaldumal ang rekord ng gobyernong Aquino sa paglabag ng mga karapatang pantao. Sa kabila ng retorika ng pagrespeto ng mga karapatan, walang pinagkaiba si Aquino sa mga nakaraang administrasyon sa usapin ng karapatang pantao.

Limang araw pa lamang matapos maupo sa pwesto si Aquino tumunog na agad ang pagpaslang ni Fernando Baldomero, kasapi ng Sangguniang Bayan ng Lezo, Aklan at siya ring Chairman ng grupong Bayan Muna sa probinsya.

Ayon nga sa tala ng grupong Karapatan, aabot ng 222 biktima ng extrajudicial killing, 221 biktima ng frustrated killing, 691 biktima ng iligal na pagaresto at detensyon, 104 biktima ng torture, atbp. mula Hulyo 2010 hanggang Oktubre 2014.

At patuloy pang tumataas ang bilang ng mga paglabag na ito sa ilalim ng kontrainsurhensyang programa ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan. Sa ilalim nito nagiging target kahit ang mga ligal na aktibista at ordinaryong mamamayan.

Ngayong taon, halos kalahati ng tropa ng Armed Forces of the Philippines ang naghahasik ng lagim sa Mindanao. Ito ay nagtulak sa mga katutubo at mamamayan ng Mindanao na magsagawa ng isang lakbayan patungong Maynila upang ilantad ang tunay na kalagayan doon.

Target ang kabataang Pilipino

Sa katunayan, kahit ang mga kabataan at estudyanteng Pilipino ay hindi ligtas sa pagsikil ng mga karapatan. Ang susumusunod ay iilan lamang sa mga halimbawa ng mga pangaabuso ng karapatang pantao sa sektor ng kabataang Pilipino nitong taon:

  1. Ang patuloy na pagkabilanggo nina Gerald Salonga at Guiller Cadano matapos silang dinukot ng mga elemento ng militar noong Agosto. Ang dalawa ay mga organisador ng grupong Anakbayan at estudyante ng extension program ng UP Diliman sa Pampanga.
  2. Ang iligal na pagaresto ng pulisya noong Abril kay Alaiza Mari Lemita, ang Regional Vice Chairperson ng Anakbayan-Southern Tagalog, kasama ang kanyang mga kamag-anak na kilalang mga lider-magsasaka sa Hacienda Looc, Nasugbo, Batangas.
  3. Ang walang awang pagpaslang kay Freddie “Fermin” Ligiw, kasapi ng Anakbayan-Abra, kasama ang kanyang amang si Licuben at kapatid na si Edie ng mga elemento ng  Philippine Army noong ika-2 ng Marso.
  4. Ang pagpaslang ng 5 pulis kay Stephen Galidan, estudyante ng Business Administration sa Mountain Province State Polytechnic College, nitong Nobyembre. Pinatay siya dahil lamang sa diumanong paglabag niya sa curfew at pagiging “delingkuwente.”
  5. Tampok din ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga lider-kabataan na naglunsad ng mga kilos protesta laban kay Aquino. Si Em Mijares ng Ateneo de Naga at Bryan Bosque at Krisma Porquia ng Iloilo ang iilan sa mga naging biktima nito.
  6. Kahit ang mga paaralan ay hindi ligtas sa panunupil. Halimbawa nito ang pagtangkang pagpapatalsik ng mahigit 40 kabataang aktibista ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at 4 lider-estudyante ng University of San Carlos sa Cebu.

Sistematikong pangaabuso

Ang mga kagimbal-gimbal na mga kaganapang ito ay bahagi lamang ng pangkalahatang kondisyon ng impunidad at pangaabuso ng karapatang pantao na bumabalot sa buong kapuluan.

Limang taon na ang nakalipas, ngunit wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng Ampatuan masaker kung saan walang awang pinaslang ng mga tauhan ng angkang Ampatuan ang 58 katao kabilang ang 32 na mamamahayag.

Walang ding pagbabago sa kaso ng Hacienda Luisita masaker kung saan patuloy na naghahanap ng hustisya ang mga biktima. Patuloy din ang paghawak ng angkan ni pangulo Aquino sa hacienda sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi na ito sa mga magsasaka.

Paparating na ang bagyong Ruby sa mga bayang dinaanan rin ng super-bagyong Yolanda noong nakaraang taon ngunit wala pa ring tunay na rehabilitasyon at pagbangon para sa mga nasalanta.

Ang mga ganitong kaganapan ay pangarawaraw na reyalidad na lamang sa isang sistemang panlipunan na nagsisilbi sa iilang naghaharing uri na may hawak ng kayamanan at kapangyarihan habang ipinagkakait ang karapatan ng karamihan.

Ang karapatang politikal at sibil ay isang bahagi lamang ng mga karapatang nilalabag ng gobyernong Aquino. Ang lupa, trabaho, pagkain, pabahay, edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyo ay mga karapatan ding ipinagkait sa mamamayan.

Malupit at sistematiko ang pangaabuso at lantaran ang panunupil laban sa sambayanang Pilipino ng mga naghaharing uri upang mapanatili ang kanilang hawak sa poder.

Hindi ipinagdiriwang ang internasyunal na araw para sa karapatang pantao. Bagkus ay ginugunita ito bilang araw ng pagsingil at pagalingawngaw ng mga panawagan para sa pagkamit ng tunay na hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag ng karapatang pantao.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s